Nobyembre 16, 2004 nang maganap ang isang malagim at brutal na dispersal sa mga manggagawa’t magsasaka ng Hacienda Luisita sa Tarlac kung saan pito ang pinatay habang 121 ang sugatan at 133 ang arestado. Bago ang pangyayaring ito, 327 pesante sa asyendang pagmamay-ari ng mga Cojuangco-Aquino ang tinanggalan ng trabaho noong Oktubre 2004. Bilang tugon, naglunsad ng welga ang United Luisita Workers Union (ULWU) kasama ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU) sa Gate 1 ng Central Azucarera de Tarlac sugar mill.

Nagpatuloy ang kanilang paninindigan para sa kanilang mga karapatan kahit na’y madalas silang binabantaan at hinaharas ng kapulisan. Hapon ng Nobyembre 15, sinabihan ang mga lider ng unyon na tumungo sa bahay ni Jose “Peping” Cojuangco Jr. sa Makati upang makipagdayalogo. Kinaumagahan, sila’y pumunta kasama si dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo subalit wala itong naging bunga. Hindi pinapasok ang mga taga-ULWU samantalang sinabihan naman ang mga taga-CATLU na matutuloy lang ang usap kung itigil ang welga. Habang nasa Makati, nakaramdam ang mga lider ng pangangamba na baka may masamang mangyari sa hacienda kaya naman sila’y nagmadaling bumalik.

At tama nga ang kanilang naging hinala. 

Pagtaas sa kanilang P9.50 sahod kada linggo, sapat na benepisyo, at tunay na repormang agraryo lamang ang hiningi ng mga magsasaka at kanilang mga pamilya ngunit dahas ang ibinigay sa kanila ng 700 na pulis at 17 na sundalo. Mga armas, dalawang tangke, at apat na trak ng bumbero ang dala ng mga pwersa ng estado samantalang mga tirador at pira-pirasong kahoy lang ang mayroon ang mga magsasaka. Patuloy silang binatuhan ng mga ito ng tear gas at sinabuyan din ng tubig. Nang maubos na ang mga ito, inakala ng mga magsasaka na sila’y nagwagi na at tuluyan nang natapos ang komosyon. Subalit, sila’y pinaambunan ng bala ng mga kapulisan at kasundaluhan at tinatayang 1,000 rounds ng ammunition ang kanilang nagamit. 

Dahil sa kanilang kapangyarihan, nakalusot ang mga Cojuangco-Aquino sa kanilang mga sala. Hanggang ngayon, wala pa rin hustisya para sa mga biktima ng masaker at patuloy pa ring namamayani ang mga isyung kanilang hinaharap ilang taon nang nakalipas. 

Pinakikita lamang nito na hindi nakinabang ang mga magsasaka sa pagpapatupad ng huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at iba pang mga polisiyang naglalayong tulungan ang sektor ng agrikultura sa bansa. Hangga’t ang iilang may kapangyarihan lamang ang nagmamay-ari ng mga lupa sa bansa, mananatiling mahirap ang Pilipino. Kaya nama’y tuloy pa rin ang laban at paninindigan ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa at hindi ito magpapatinag hanggang sa tagumpay.