“Lupang pinangako” ang tawag ngunit simula’t sapul ay mistulang kalbaryo ang tinatahak sa tuwing ang kanilang mga paa ay mahahalikan ang lupang sakahan. Sa ilalim ng tumitirik na araw ay ‘di na mabilang ang kanilang pawis na tumulo. Tulad din ng malalaking tipak ng ambon at bagyong dumaan sa mga sakaha’y ‘di na rin mabilang ang dumanak na dugo na kala mo’y patubig na nagbibigay buhay sa mga palay na tinanim. 

Sa tuwing may nasasayang na kanin sa hapag, ilan din ang nasasayang na buhay upang mapunan lang ang mga kumukulong ganid ng mga mandarambog. Lupang minana ika nga, ngunit ni isang beses ay hindi naman nakinabang ang ating mga magsasaka. Sa kabila ng pagtataguyod sa industriya ng agrikultura, sila’y nilalapastangan sa oras na akala ng mga mangangahas na sila ay nagbabadyang umatim ng kalayaan.

Sa bawat paghangos at hinaing ng mga magsasaka, ang tainga ng gobyerno’y ganoon na lamang ang pagtiklop na animo’y makahiya. Wala na silang ginawa kun’di ang makinabang sa ani ng mga magsasaka. Sa kabila rin ng pandemya, kung saan ang mga tao ay nasa kani-kanilang mga tahanan at sinsigurado ang kanilang kaligtasan, nasa 190 na pesante na ang namatay sa limang buwan lamang na nakakalipas. 

Wala nang ibang mapupuntahan; wala nang ibang masasandigan at patutunguhan kundi ang sama-samang pagkilos, pagmumulat, at patuloy na pakikibaka.

Sa panulat ni Kezia Espiritu

Disenyo ni Moira Pulumbarit