“Bigas hindi bala” ang isa sa mga panawagan ng mga pesante mula pa noong umupo sa pwesto si Pangulong Duterte. Ngunit sa kabila ng panawagang ito, patuloy lamang naghirap ang mga magsasaka. Nang dumating pa ang pandemya noong Marso 2020, mas nasadlak ang mga ito sa higit pang kahirapan.

Ayon sa OECD, isa sa pinakanaapektuhan ng pandemya ang food and agriculture sector. Naantala at napinsala ang pagsusuplay ng agro-food products sa merkado at sa mga kumokunsumo nito sa buong mundo. Dagdag pa rito, naging “at high risk” din sa COVID-19 ang mga magsasaka at manggagawang bukid. Ngunit sa kabila ng banta ng virus, patuloy na kumakayod ang mga pesante upang maitaguyod ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya, at upang patuloy rin ang suplay ng pagkain sa mga mamamayan.

Ngunit dahil sa kakulangan ng pondo buhat ng katiting na sweldo, kasabay pa ng ‘di pagkatamasa sa batayang serbisyong medikal, nakararanas ang mga pesante ng kritikal na kalagayang pangkalusugan at minsa’y nauuwi pa sa pagpanaw.

Lampas isang taon na ang nakalipas, ngunit patuloy pa rin ang hirap na pinagdaraanan ng sektor ng agrikultura. Hindi lamang dahil sa pandemya, ngunit dahil din sa maraming kalamidad na humahagupit sa bansa. Wala na ring kakayahan ang mga manggagawang agrikultural na itransport ang raw materials at manufactured goods, kaya’t mandalas maantala ang kanilang trabahong siya namang nakaaapekto sa ekonomya.

Kung makikipagdiyalogo rin sa iilang mga magsasaka, ituturan pa nilang, “Buti pa ang COVID, may bakuna. E ano naman ang aming panlaban sa gutom?”, dulot ng kanilang kahirapang makatamasa ng pagkain sa kabila ng pagiging pangunahing pwersang nagsusuplay nito. Bukod pa rito, malaki-laki ang mga pinsalang natatamo ng mga pesante sa tuwing may humahagupit na kalamidad, at ‘di pa kabilang rito ang halagang kanilang ikinalugi dahil ‘di na maibenta ang iilang mga inani.

Kaya’t sigaw ng mga magsasaka, tiyakin ang subsidyo sa produksiyon! Sa kabila ng mga “educational programs” na nagtuturo umano sa mga magsasaka upang mas umunlad, walang ibinibigay na suportang pampinansyal ang pamahalaan sa mga magsasakang naghihikahos ngayong pandemya. Walang pinanghahawakang kapital ang mga pesante upang mapalago ang produksiyon at kanilang kabuhayan. Sa kasalukuyan, nanawagan pa rin sila para sa Php15,000 na production subsidy ngunit pinipili pa ring magbingi-bingian ng administrasyon sa kanilang mga hinaing. Gayong pilit na nilalabanan ng mga magsasaka ang pinsalang dulot ng pandemya, nararapat lamang na bigyan din sila ng pang-akay upang makabangon muli bilang sektor na nagtataguyod sa pangunahing pangangailangan ng bansa.

Isinulat ni A.M. Manahan
Disenyo ni Moira Pulumbarit

Basahin:
Habacon, J.P. (2021). [OPINION] Why Filipino farmers suffer. Rappler. Nakuha mula sa https://www.rappler.com/…/opinion-why-filipino-farmers…

Brul, B. (2021). The continuing toll of the COVID-19 pandemic on farmers in the Philippines.. Grameen Foundation. Nakuha mula sa https://grameenfoundation.org/…/the-continuing-toll-of…