Mag-iisang taon na magmula noong nangyari ang Tumandok Masaker na magkakahiwalay na operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga probinsya sa Visayas. Isa lang iyan sa mga naitalang 22 na masaker sa mga magsasaka sa ilalim ng administrasyong Duterte. Dumagdag ang mga ito sa mahabang listahan ng mga kaso ng karumal-dumal na pagpatay sa mga pesante sa Pilipinas sa mahabang panahon.

Hindi na bago ang presensya ng militar sa mga kanayunan sa iba’t-ibang panig ng bansa. Kung ating susuriin, maiuugat ito sa laban ng mga pesante para sa kanilang karapatan sa lupang binubungkal nila nang matagal na panahong nagsimula pa noong panahon ng pananakop ng Kastila. Umusbong ang mga kilusan ng mga magsasaka, na magpahanggang ngayon ay nananaig dahil sa iba’t-ibang programa ng mga nagdaang administrasyon kung saan sa halip na magbahagi ng lupain sa kanila ay mas lalong pinalakas ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa at pribadong kumpanya na gumagamit ng bala upang protektahan ang pansarili nilang interes.

Ilan sa mga pagtangka ng gobyerno sa pagresolba sa problemang ito ay mas pumapabor pa sa mga may-ari ng lupa, o kaya nama’y ginagamit ang mga batas na ito ng mga panginoong maylupa na siya ring tauhan sa pamahalaan upang maisahan ang mga magsasaka. Ilan sa mga ito ay ang Rice Share Tenancy Act (1933) ni Manuel Quezon, Land Reform Code (1963) ni Diosdado Macapagal, at Comprehensive Agrarian Reform ni Cory Aquino.

Dahil sa kabiguan ng mga batas sa reporma sa lupa, lumaban ang mga magsasaka at bumuo o sumali sa kilusan para sa pambansang demokrasya. Noong 1972, idineklara ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar na layon ding sugpuin ang pwersa ng mga pesanteng nakikibaka para sa kanilang karapatan sa lupa. Isa sa mga masaker sa panahong iyon ay ang sinapit ng mga magsasaka sa Guinayangan, Quezon noong Pebrero 1, 1981, kung saan pinagbabaril sila ng mga sundalo habang nagsasagawa lamang sila ng payapang protesta laban sa militarisasyon sa kanilang lugar, na ikinamatay ng dalawang magsasaka.

Maging sa iba pang mga nagdaang administrasyon, may mga programa pa ring layong sugpuin ang mga kilusang sumusuporta sa panawagan ng mga magsasaka sa mga kanayunan. Isa rito ang Oplan Bayanihan sa panahon ni Noynoy Aquino, na isa ring dahilan ng protesta ng mga magsasaka sa Kidapawan noong 2016, ilang buwan bago ang halalan noong taong iyon, kung saan nasawi ang dalawa at marami ang nagtamo ng sugat, matapos magpaulan ng bala ang pwersa ng PNP sa mga nagpoprotesta.

Tulad ng nabanggit, talamak din ang mga pagpatay sa mga magbubukid sa panahon ni Duterte.
Ito ay bago pa man naisabatas ang Anti-Terror Law noong nakaraang taon. Isa rito ay ang Lake Sebu Masaker sa South Cotabato noong Disyembre 3, 2017, na ikinamatay ng pitong katutubo na kasapi ng T’boli-Manubo SDAF Claimants Organization (TAMASCO), at katulad ng iba pang masaker sa kasalukuyang administrasyon, ang dahilan ng militar at pulisya sa pagpatay sa kanila ay sa hinala nilang miyembro sila ng New People’s Army (NPA).

Marami sa mga pesante ay pinipili ang armadong pakikibaka upang irehistro ang panawagang solusyunan ang ugat ng mga krisis panlipunan, lalo na sa kanayunan. Dulot din ito ng lumalalang presensya ng militar sa kanilang mga lupain. Hindi matatapos ang laban sa reporma sa lupa kung ang mga balang kikitil sa buhay ng mga magsasaka at susupil sa mga pagkilos ng mga progresibong grupo ang siyang tugon ng mga nasa kapangyarihan. Panawagan ng mga magsasaka na mapasakanila ang deka-dekada na nilang binubungkal na mga lupain, dahil kung hindi sila mapoprotektahan ng batas ay mauuwi ito sa pagbagsak ng sektor ng agrikultura, ang industriyang sa ati’y bumubuhay, ngunit siya namang tahasang pinapatay.

Isinulat ni Evan Tolentino

Disenyo ni Moira Pulumbarit